Tuesday, June 8, 2010

akap sa anawangin, unang bahagi

"But it's what we came for!"

Reklamo ko habang sumasakay pabalik sa bangka ni Manong Bangker.

"Balewala ang pinunta natin dito kung wala tayong picture doon!"

Malakas kong parinig kay Manong at kay magaling na Boss. Ito kasing si Boss ang sobrang may ayaw ng pumunta doon sa kabilang parte ng Capones kung saan naroon iyong lighthouse.

"Nako! Maalon na po doon," ani ni Manong Bangker. Sobrang giveaway na tinatamad lang siya.

"Gaano kaalon," tanong ni Boss.

Ay, may degree pa pala ng lakas ng alon na nalalaman.

"Super alon, Ma'am," sagot naman nitong si Manong Bangker.

Sosyal. "Super".

"Ay, ay, ay! Huwag na tayo doon," turan ng Boss.

Kaya ayun, napag-desisyunan, niya, na huwag ng dayuhin ang primary reason kung bakit kami nandito. Instead, tumuloy na lamang kami sa Anawangin.

Ngunit minamalas talaga kami. Yung spark plug ng motor ng isa pang bangka na sinasakyan ng walo pa naming kasama ay nasira. Naka-ilang ikot na ang ginawa ng bangka namin na tawagin nating boat#1 pero hindi pa rin talaga magawan ng paraan para mapatakbo ulit yung makina ng boat#2. Kaya ang ending, binatuhan ni Manong Bangker ng lubid yung Manong Bangker ng boat#2 para hilahin na lamang namin sila. Effort, di ba?

Dinig na hirap na hirap ang motor ng boat#1 sa pag-tow sa boat#2. Nakakatakot actually pero sige at sugod pa rin kami sa karagatan patungo sa dinadayong isla ng Anawangin. Excited na silang lahat makita ang naturang lugar.

"May pine trees daw dun," sabi ni Boss. Proud na proud sa fact na nabanggit niya.

"Alam namin," bulong ko, sabay irap.

Pero sa totoo lang, excited na rin akong makita ang Anawangin, pati na rin yung mga pine trees. Naalala ko kasi yung sinabi ng aking ka-opisina na tatawagin nating Pine Tree.

Isang beses, habang kumakain kami sa pantry:

"Kapag sad or stressed ka daw, yumakap ka sa pine tree para mawala yung negative vibes sa'yo," payo ni Pine Tree.

"Meganun?!" Sabay sabay naming hirit tapos tawa.

"Ma-absorb yun ng puno. Promise," dagdag ni Pine Tree.

"O dahil mas masasaktan ka sa tusok ng pines sa katawan mo," tanong ng isa naming kasamahan sabay tawa ulit.

Pero malay ba natin. Nandito na rin naman kami. Wala namang masama kung susubukan, di ba?

TO BE CONTINUED.

No comments: