Monday, August 18, 2008

mortalidad, unang bahagi

BAHAY, LINGGO.

Kahapon ay napatigil ako sa tapat ng aming bahay dahil kinulit ako ng aking tiyuhin tungkol sa aking bagong kamera. Napakuwento na rin ako dahil sa hindi ako makalabas ng gate, maraming tao sa tapat namin dahil may hinahandang karo para sa prusisyon ni San Roque. Lumapit si Ate Rose sa amin kasunod ang kanyang anak na si Raymond na tulak-tulak ni Ate Tekon sa stroller.

Nabaling ang aming usapan sa pagtatanghal ni Lea Salonga sa Glorietta Activity Center sa Martes. Gusto sanang manuod ni Ate Rose pero may scheduled check-up daw sila ni Raymond sa hospital. Nabanggit pa rin ni Ate Tekon na ayos na daw sa tabi na lang sila kasi kailangan daw atang bumili pa ng sapatos para makapasok mismo doon sa may upuan na bahagi. Sabi ko ayos lang naman, kasi kahit nasa 2nd floor ka ay maririnig at makikita mo pa rin naman siya.

Naghudyat na yung mga matatanda na sisimulan na ang prusisyon. Nagpaalam na sina Ate Rose at Ate Tekon dahil sila ay sasama. Ako din naman ay nagpaalam na din dahil ako ay mahuhuli na sa lakad namin nila Gracie at Striker.

*******

METROWALK, LINGGO.

"Gusto kong makakita ng multo. Gusto kong yung parang sa Ghost Whisperer. Gusto kong maging tulad ni Jennifer Love Hewitt. Hahaha," sabi ko habang kami ay kumakain nila Gracie at Striker. Kami ay nagkita-kita sa Power Plant para magkwentuhan pero nayaya ko sila na pumunta sa Robinson's Galleria para tingnan yung manghuhula na nakuwento sa akin ni Pinay.

Gabi na noong matapos ang mga session (na walang kuwenta), kaya kahit gusto naming tumambay para kumain ay hindi na puwede. Nagsasara na ang mall (na wala ring kuwenta) kaya napag-isipan namin na maghanap na lamang ng lugar na bukas hanggang hatinggabi. Kaya ayun, dinala kami ng taxi driver sa Metrowalk.

Hindi ko na maalala kung ano ung naging kasunod ng linya kong yun. Pero malamang ko ay napunta na naman ang aming usapan sa Will & Grace, o kaya ay si myPA. Ipinakita kasi ni Gracie ang picture ni myPA at ng nobyo niya. Ang hirit ko, "I miss myPA." Sabi ni Striker, "you miss her but if you see her, you won't miss her." Bad.

*******

KUWARTO, LINGGO.

Mga pasado alas-onse na rin nang kami'y nakauwi. Sobrang pagod ako noon kaya nakatulog ako kaagad.

Mayroong babae - walang mukha, mahaba ang buhok, nakaitim at nakalutang na may binubulong sa akin. Hindi ko maaninag kung ano yung hitsura niya pero alam kong hindi iyon kaaya-aya. Palipat-lipat siya ng lugar, basta nakalutang lang siya sa taas ng nakahimlay kong katawan. Makalipas ang ilang segundo (na feeling ko ay oras na ang katumbas), nawala siya. Tapos ay nakita ko ang isang batang walang mukha, na nakatayo sa aking paanan. Wala naman siyang ginagawa pero kinilabutan ako.

Doon ako napabalikwas. Alas-tres kinse. Isa na namang masamang panaginip. Pero sa aking palagay, ay higit pa sa panaginip yun. Naalala ko na tuwing magbibiro ako or magsasabi ako na gusto kong makaranas ng mga paranormal, maaasahan ko yun na may magpaparamdam sa akin kinagabihan.

Sabi ko nga, "it's like I have ESPN or something."

*******

BAHAY, LUNES.

Habang ako'y nag-aagahan, nabanggit ni Mama na sinugod si Ate Tekon sa ospital kaninang madaling araw. Nawalan ito ng malay habang naghahanda ng iluluto, kaya ayun, nabagok sa sahig. Atake sa puso. Wala na daw pulso noong dumating ang Rescue Team.

Sabi kay Ate Rose, binigyan si Ate Tekon ng doktor ng 12 oras para magising, otherwise...

No comments: