Naka-ilang beses na akong nag-rebisa ng entry na ito dahil sa hindi ko alam kung paano ito tatapusin, o sisimulan.
Kaya’t naisipan kong tanungin ang aking sarili - ano ba talaga ang gusto kong ikuwento?
Na pumunta kami ni Pinay sa Baclaran nung Miyerkules para humingi ng divine intervention? Na dinayo pa namin ang simbahan para magdasal kahit alam namin na maraming tao doon? O dahil gusto ko ding makapag-tirik nung mga kandila (na libre) na matagal ko nang hindi nagagawa?
O gusto ko lang bang magreklamo na mas matagal pa yung travel time namin kaysa dun sa tinagal namin sa loob ng Baclaran Church? O mas marami pa akong nalaman kay Pinay, ang kanyang buhay, trabaho at love life (o ang kawalan nito)* kaysa sa mga aral na dapat kong napagmuni-munian nung ako’y nagdarasal?
*Pangako, isusulat ko ito hindi dahil sa tsismoso ako at gusto kong ikalat pero yun, magandang paksa kasi… Ala lang. ^^
Naisipan ko ding isulat kung gaano nakakapanibago yung makarating ulit sa Baclaran - nakakatakot na nakakaaliw. Patintero sa mga bus at dyip. Patintero sa mga kapwa biyahero. Alok dito at alok doon ng mga tindero sa bangketa. Pati ung mga nangangalabit na mga batang namamalimos - eewness talaga. Ewan ko ba pero natatakot ako sa mga ganoon. Parang karamihan sa kanila mukhang kayang-kaya, at handa talagang manakit ng tao na mas malaki at matanda sa kanila.
Sa totoo lang, nakaka-asiwa yung dami ng tao dahil ayaw ko nung na-iinvade yung personal space ko (na kasing lawak ng Araneta) pero natutuwa nga ako kasi parang feeling ko sa saglit na panahong iyun ay naging parte ako ng komunidad nila.
Matagal-tagal na din kasi akong hindi nakakabisita sa Baclaran. Siguro mga tatlong taon na din, simula nung ako’y nagka-trabaho. Feeling ko kapag nakapunta ako sa Baclaran mag-isa, nakapaglibot, at nakauwi nang walang galos - survivor na ako. Kaya ayun nasiyahan ako sa adventure namin ni Pinay.
Sa totoo lang napag-usapan na namin ni Pinay na babalik ulit kami doon at least isang Miyerkules kada buwan. Nga pala si Pinay kasi ang madalas kong kasama sa pagpunta sa mga simbahan. Ipinagdadasal niya na makapasa siya sa nalalapit niyang eksaminasyon. Kailangan niya kasi yun para matuloy na niya ang balak niyang makapag-trabaho sa ibang bansa. Isama ang anak niya para doon na rin lumaki.
Sinabi niya iyan sa akin nung kumain kami doon sa McDonald's na malapit, bago dumiretso sa simbahan.
Noong nagmimisa na kami, pinagdasal ko na matupad ang kanyang hiling.
Mas masaya kung yung mga selfless na tao ang mabigyan naman ng break. Sila ang deserving na mabiyayaan. Tulad ni Pinay.
*******
POSTSCRIPT. Pinay - sana this time huwag ka nang matakot o kabahan. Kaya mo yan! Kasama ka at si Nikki-tot sa dasal ko.
No comments:
Post a Comment